Matalino Daw Ako.

 

Agosto na naman. Para sa mga guro at estudyante sa buong bansa, dalawa lang ang ibig sabihin nito–una, oras na naman para hukayin sa baul ang tinaguriang OOTD ng mga kanuno-nunoan natin; at ikalawa, ay oras na naman para magkautal-utal tayo sa wikang atin na man sana, pero di mabigkas-bigkas nang maayos. At dahil dito, naisipan kong maglathala ng isang sulatin sa ating sariling wika. Sa totoo lang, matagal ko na ‘tong sinulat, pero ngayon ko lang naisipang ilathala dahil sa panghihikayat ng isang..uhm.. tawagin na lang nating anghel.

————————————————————————–

Matalino daw ako sabi ng mga tao.

Paulit-ulit ko na lang naririnig ang mga papuri ng mga tao dahil raw malaman ang utak ko. Napakahusay ko raw sa iba’t ibang klaseng bagay at napakatalas raw ng isip ko na para bang isang intelehensyang elitista. Di nila alam na nag-aastang henyo lang ako dahil sa likod ng mga kaalaman at talentong taglay ko raw, nabobobohan talaga ako sa sarili ko.

dunceOo, bobo ako.

Bobo ako dahil kahit alam ko kung gaano kalayo ang antas ng tama sa mali, malimit na mali pa rin ginagawa ko.

Bobo ako dahil kahit sobrang alam ko na ang dapat gawin sa mga bagay-bagay, napapatulala pa rin ako na para bang tanga.

Bobo ako dahil may mga bagay na alam kong kailanma’y di mangyayari, pero umaasa pa rin ako.

Bobo ako kasi puro teorya lang naman talaga ang laman ng utak ko; hilaw sa tunay na karanasan.

Kapag madilim na’t tulog na ang kasama ko sa bahay, madalas kong tinititigan ang aking sablay. Habang gumagala ng mga mata ko ang naka-burdang baybayin sa tela, di ko lubos maisip na baka nagkamali lang ang institusyon na igawad sa akin ‘to. Kaakibat ng pagdapat ng kapirasong telang ‘to sa balikat ko ay ang pasanang itaguyod ang malayang pag-iisip; bagay na di ko nagawa sapagkat nakakulong lang utak ko sa mga bagay na di naman talaga mahalaga o nakakatulong sa iba.

Pero matalino raw ako sabi ng mga tao.

Matalino raw ako dahil nakakapag-ingles ako ng dire-diresto at di nauutal. Pero nasusukat ba talaga ang katalinuhan ng tao sa linggwaheng gamit nya? Sanay lang talaga akong mag-ingles dahil sinanay ako ng English Teacher kong nanay. Nadala lang din siguro sila sa mga “highfalutin” words ko; mga malalalim na salitang wala namang talagang saysay.

Matalino raw ako dahil mahusay akong magsalita sa madla. Di nila napagtanto na kahit sinong may bibig, pwede namang magsalita; at kung lubos isipin ay mas karapat-dapat pang marinig kaysa sa mga sinasabi ko. Sadyang makapal lang talaga mukha ko kaya nagagawa ko ‘yun.

Matalino raw ako dahil mabilis raw akong makapag-isip ng mga sulusyon at bagay-bagay. Oo, dahil mabilis lang naman talaga mag-isip ang mga taong mababaw lang ang saklaw ng kaalaman; mas madaling makakuha ng isda sa mababaw na dagat kasi di na kailangang sisirin pa.

Matalino raw ako dahil nakapagtapos ako sa primerang klaseng unibersidad. Di nila alam na ang pangunahang pagsusulit para makapasok ay parang lotto lang. Sinuwerte lang ako.

Matalino raw ako dahil nakapagtapos ako ng dalawang majors sa loob ng apat na taon. Di nila alam na sa institusyon na yun, pangkaraniwan lang ang ganung klaseng pangyayari. Di espesyal ang ganun.

Matalino daw ako sabi ng mga tao. Dahil lang siguro nagmamarunong ako.

Ika nga ni Marlon Peroramas, “mas bobo pa sa bobo ang bobong nagmamarunong.”